-- Advertisements --

Tiniyak ni reelected Leyte 1st District Representative Martin Romualdez ang pagsuporta ng Kongreso sa programang ‘Walang Gutom’ ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na pondo sa ilalim ng panukalang 2026 national budget.

Ayon kay Romualdez, walang Pilipino na dapat magutom upang maabot ang potensyal ng mga ito.

Kamakailan ay inanunsyo ng DSWD ang plano nitong palawakin ang programa at mula 300,000 pamilya ay gagawin ng 750,000 pamilya ang tutulungan ng programa.

Nagbibigay ang programa ng ₱3,000 na buwanang food credits gamit ang electronic benefit transfer (EBT) card para sa pagbili ng piling pagkain sa mga accredited na tindahan.

Pinuri ni Romualdez si Pangulong Marcos sa pagsama ng laban sa gutom program bilang mahalagang bahagi ng Bagong Pilipinas agenda.

Binigyang-diin din niya ang pagtutulungan ng DSWD at Department of Agriculture (DA) sa pagpapatupad ng “Benteng Bigas, Meron Na!” na nagbibigay ng ₱20 kada kilong bigas sa mga piling Kadiwa stores at partner retailers para sa mga benepisyaryo ng Walang Gutom.

Dagdag pa ni Romualdez, kailangang palakasin pa ang buong sistema ng produksyon ng pagkain mula sa mga magsasaka hanggang sa tamang kaalaman sa nutrisyon.

Hinimok din niya ang mga kapwa mambabatas na suportahan ang 2026 General Appropriations Bill (GAB) para matulungan ang DSWD at DA na maabot ang kanilang mga layunin.

Sinabi pa ni Romualdez na handa ang Kongreso na kumilos para hindi na maranasan ng maraming Pilipino ang gutom ng sikmura.