Suportado ni Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez ang opisyal na pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Estados Unidos (US), na isa umanong diplomatic engagement at malalim na practical mission para sa kapakanan ng mga Pilipino.
Ayon kay Rep. Romualdez, ginawa ng Pangulo ang pagbisita sa isang kritikal na panahon kung kailan ipatutupad na sa Agosto 1 ng Estados Unidos ang mas mataas na buwis sa ilang pangunahing ini-export ng Pilipinas doon na maaaring makaapekto sa trabaho at mga industriya sa bansa.
Pinuri rin ni Rep. Romualdez ang pagsisikap ng Pangulo na makahikayat ng mas maraming pamumuhunan sa Pilipinas, partikular sa sektor ng enerhiya, manufacturing, at digital infrastructure mga larangang inaasahang lilikha ng libu-libong trabaho at mag-aangat sa kabuhayan ng maraming Pilipino.
Binigyang-diin niya na dapat tumbasan ang economic diplomacy ng mas matatag na ugnayang pangdepensa kasama ang mga matagal nang kaalyado, lalo na sa harap ng patuloy na panghihimasok ng Tsina sa West Philippine Sea.
Malugod ding tinanggap ng mambabatas ang mga ulat na isinusulong ng Pangulo ang isang bilateral trade agreement sa US, sabay giit na dapat itong nakabatay sa patas at mutual na paggalang.
Siniguro ni Romualdez na nakahanda ang Kamara na magpasa ng mga batas na magtitiyak na ang anumang kasunduang maisasara sa ibang bansa ay mararamdaman ang benepisyo ng mga Pilipino dito sa bansa.