Agad na ipinag-utos ni Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, Speaker ng 19th Congress, at ng Tingog Party-list ang pagsasagawa ng disaster monitoring at relief operations ng kanilang tanggapan matapos ang pananalasa ng bagyong Crising na sinabayan ng habagat.
Ito ay bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kahit hindi pa pormal na nagbubukas ang 20th Congress, sinabi ni Romualdez na nakikipag-ugnayan na ang kanyang opisina at ang Tingog Party-list sa mga lokal na lider, ahensya ng gobyerno, at pribadong grupo para masigurong agad na makararating ang tulong sa mga lugar na labis na nasalanta.
Muling binuksan ng kanyang opisina at ng Tingog Party-list ang Relief Coordination Desk na dati na ring naging daluyan ng tulong sa maraming mambabatas noong kasagsagan ng mga nakaraang bagyo at ng COVID-19 pandemic.
Ang desk na ito ang magsisilbing one-stop hub para sa mga agarang pangangailangan at koordinasyon sa mga apektadong lugar.
Nanawagan din si Romualdez sa mga kapwa Pilipino na tumulong sa abot ng kanilang makakaya.