Iginiit ni House Committee on Higher and Technical Education chairman at Tingog Partylist Rep. Jude Acidre, na walang nakitang pananagutan ang Independent Commission on Infrastructure (ICI) at hindi nito inirekomenda ang pagsasampa ng kasong plunder laban kay dating Speaker Martin Romualdez.
Ito ang pahayag ni Acidre bilang tugon sa mga naunang sinabi ni Navotas Rep. Toby Tiangco, na umano’y nagsabing nagrekomenda ang ICI ng pagsasampa ng plunder case laban kay Romualdez.
Ayon kay Acidre, malinaw sa mismong referral ng ICI na walang nakasaad na pananagutan o rekomendasyon na magsampa ng plunder case laban kay Romualdez.
Ipinaliwanag ni Acidre na ang ICI ay isang fact-finding body na itinatag sa ilalim ng Executive Order No. 94, na may tungkuling magsumite ng rekomendasyon kung may sapat na batayan upang magsampa ng kaso.
Gayunman, sinabi niyang walang ganitong rekomendasyon sa kaso ni Romualdez.
Binigyang-diin din niya na ang referral ay ginawa upang pahintulutan ang Office of the Ombudsman na magsagawa ng sarili nitong independent investigation, dahil wala pang natutukoy na pananagutan ang komisyon.
Winalang-bisa ni Acidre ang pahayag ni Tiangco at iginiit na walang rekomendasyon na kasuhan si Romualdez ng plunder.
Nagbabala rin si Acidre na ang maling paglalarawan sa mga opisyal na dokumento ay maaaring magdulot ng pagguho ng tiwala ng publiko sa mga institusyong nagsasagawa ng independiyenteng pagsusuri.
Dagdag pa niya, sa ibang mga kaso ay malinaw na nagrerekomenda ang ICI ng pagsasampa ng kaso laban sa mga indibidwal, ngunit wala umanong ganitong rekomendasyon sa isyung kinasasangkutan ni Romualdez.















