Muling nagbuga ng abo ngayong Oktubre 30, 2025 mula 12:37 PM hanggang 12:57 PM ang Mt. Kanlaon.
Ayon sa Kanlaon Volcano Observatory – Canlaon City (KVO-CC), nakunan ito sa time-lapse footage kung saan makikitang umabot sa 300 metro ang taas ng kulay-abong plumes bago ito kumalat patungong kanluran.
Alert Level 2 pa rin ang nananatiling status ng bulkan, indikasyon ng patuloy na moderate unrest.
Sa mga nakaraang linggo, sunod-sunod ang aktibidad ng bulkang Kanlaon:
Nagkaroon ng ash emission (Oct. 15, 2025 – Nagkaroon ng ash emission mula 6:54 AM hanggang 7:40 AM. Umabot sa halos isang oras ang aktibidad, na nagpakita ng patuloy na paggalaw sa summit crater.
Dalawang ash emissions naman ang nai-record sa Kanlaon Volcano noong Oct. 23, kabilang ang isang pagsabog na tumagal ng 119 minuto. Umabot sa 600 metro ang taas ng plumes, na sinamahan ng mataas na antas ng sulfur dioxide emissions.
Oktubre 25, 2025 – Nagtala ng tatlong ash emissions sa summit crater. Tumagal ang bawat aktibidad mula 26 minuto hanggang mahigit isang oras, patunay ng tumitinding aktibidad ng bulkan.
Bukod sa mga ash emissions, isang minor explosive eruption ang naitala noong Oktubre 24, kung saan umabot sa 2,000 metro ang taas ng ash plume at nagdulot ng pyroclastic density currents sa timog na bahagi ng bulkan.
Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang paglapit sa 4-kilometer Permanent Danger Zone sa paligid ng bulkan. Pinapayuhan ang mga residente na magsuot ng face masks at iwasan ang exposure sa volcanic ash, na maaaring makasama sa kalusugan.
















