-- Advertisements --

Muling nananawagan ang pamilya ni Mary Jane Veloso kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawaran na ng clemency ang nakakulong na si Mary Jane Veloso dahil sa drug trafficking.

Iginiit ng ina ni Mary Jane Veloso na si Celia Veloso na matagal nang nakakulong ang kaniyang anak at batid naman aniyang biktima lamang siya kayat umaasa silang magawaran na ito ng clemency bago mag-Pasko para magkasama na silang buong pamilya gayundin ng kaniyang mga anak.

Samantala, umapela rin ang mga magulang ni Mary Jane Veloso sa Korte Suprema na paspasan ang pagresolba sa isinampa niyang kaso laban sa mga recruiter niya.

Matatandaan, naghain si Veloso ng human trafficking, illegal recruitment at estafa laban sa mga illegal recuiter na sina Maria Cristina Sergio at Julius Lacanilao.

Ayon naman sa National Union of People’s Lawyers, hiniling na nila sa SC na magdesisyon sa mosyon para ipagpatuloy ang mga kaso.

Matatandaan, matapos ang halos 15 taong pagkakakulong sa Indonesia, pumayag ang gobyerno ng naturang bansa na ilipat ang kustodiya kay Veloso sa Pilipinas noong Disyembre 2024. Nanindigan si Veloso na inosente siya sa mga inaakusa laban sa kaniya.