KALIBO, Aklan—Sinang-ayunan ni dating Magdalo representative Gary Alejano ang desisyon na i-livestream ang mga pagdinig sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Aniya, maituring ang nasabing hakbang upang maibalik ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno sa kadahilanan na magiging bahagi na sila sa imbestigasyon sa pamamagitan ng pagbantay sa mga pagdinig.
Malaking bagay umano ito dahil sa makikita na ang mga imbitadong indibidwal at kung anu na ang takbo ng imbestigasyon.
Binigyang diin ni Alejano na mahalagang maging transparent ang imbestigasyon at inaasahan na may patutunguhan ang nasabing imbestigasyon gaya na lamang na maipasok sa kulungan ang mga mapatunayang nagkasala sa pagkulimbat sa bilyon-bilyong halaga ng pondo mula sa kaban ng bayan.
Ang pagsapubliko aniya sa ikinakasang imbestigasyon ng ICI upang masubaybayan ang development nito ay malaking kaginhawaan para sa iba’t ibang organisasyon, asosasyon at grupo na nananawagan ng tapat na tugon mula sa gobyerno sa kagustuhan ng lahat na masawata ang katiwalian at korapsyon sa bansa.
















