Nakikipag-ugnayan na ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa counterparts nito sa Malaysia at Singapore para manmanan ang tatlong rehistradong air assets ng nagbitiw na si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
Sinabi ito ni CAAP Director General Raul del Rosario kasunod ng anunsiyo ng ahensiya kahapon na kasalukuyang nasa Kota Kinabalu, Malaysia ang dalawang AgustaWestland helicopters na konektado kay Co, na lumipad umano doon noong Agosto 20 at Setyembre 11.
Nasa Singapore naman umano ang Gulfstream aircraft simula pa noong Agosto 16.
Maliban sa tatlong air assets ni Co, minamanmanan rin ng ahensiya ang 10 iba pa na nananatiling nasa bansa.
Matatandaan, noong nakaraang buwan, ibinunyag ni DPWH Sec.Vince Dizon na naharang ng CAAP ang pagtatangka ng mga kompaniyang konektado kay Co na i-deregister ang nasa tatlong chopper na hiniling na ma-freeze ng DPWH.
Samantala, ibinunyag naman ng CAAP official na walang air assets na nakarehistro sa ilalim ng pangalan ni dating House Speaker Martin Romualdez.
Maaalala nga na sina Co at Romualdez ay kapwa nakaladkad sa isyu ng maanomaliyang flood control projects na nakatanggap umano ng kickback, bagay na makailang ulit namang itinanggi ng dalawa.
















