-- Advertisements --

Nagkaharap muli sina US President Donald Trump at Chinese President Xi Jinping sa bilateral talks sa South Korea ngayong Huwebes, Oktubre 30.

Ito ay kasunod ng ilang buwang tumitinding trade tension sa pagitan ng dalawang bansa.

Sa pambihirang pagkakataon, nagkamayan ng mahigit isang minuto ang dalawang lider ng mga bansang may pinakamalaking ekonomiya bago ang kanilang pribadong pag-uusap na nagtagal ng dalawang oras.

Pinuri ni Trump ang kanilang pulong ni Xi bilang isang malaking tagumpay.

Samantala, inanunsiyo rin ni Trump ang pagpataw ng mas mababang taripa sa Chinese imports at sinabing bibigyan ng China ang Amerika ng mas maganda pang access sa tinatawag na “rare earths”, ang mga mineral na ginagamit sa paggawa ng electric cars, computer hard drives, TV screens, jet engines, iba pang electronics at military weapons.

Inihayag din ni Trump na lalagda ang Amerika at China sa isang trade deal sa lalong madaling panahon.

Ito naman ang unang paghaharap ng personal nina Trump at Xi simula noong 2019 kung saan huli silang nagkita sa G20 summit sa Osaka, Japan.