Itataguyod ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang interes pang-ekonomiya ng Pilipinas at palalakasin ang ugnayan sa mga kasaping bansa ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) sa 32nd APEC Economic Leaders’ Meeting na gaganapin sa South Korea mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa pre-departure briefing sa Malacañang, sinabi ni DFA Spokesperson Angelica Escalona na tutungo si Pangulong Marcos sa Busan at Gyeongju sa imbitasyon ni South Korean President Lee Jae Myung.
Ayon sa DFA, inaasahang magbubunga ang dalawang sesyon ng APEC Economic Leaders’ Meeting ng apat na dokumento, kabilang ang leaders’ declaration at tatlong pahayag ukol sa artificial intelligence (AI), pagbabago sa demograpiya, at industriyang kultural at malikhaing sining.
Bilang bahagi ng kanyang pagdalo, makikibahagi rin si Pangulong Marcos sa Leaders’ Dialogue with the APEC Business Advisory Council (ABAC) at magbibigay ng talumpati sa APEC CEO Summit, na nagtitipon sa mga kinatawan ng APEC at mga nangungunang negosyante upang talakayin ang mahahalagang isyung pang-ekonomiya sa rehiyon.
Bukod dito, makikipagpulong din ang Pangulo sa mga negosyante at lider ng industriya, at makikisalamuha sa mga miyembro ng Filipino community sa Busan.
Bilang huling bahagi ng kanyang pagbisita, pangungunahan ni Pangulong Marcos ang wreath-laying at tree planting ceremony sa United Nations Memorial Cemetery sa Busan bilang pagpupugay sa 7,420 sundalong Pilipino na lumaban sa Korean War bilang bahagi ng Philippine Expeditionary Forces to Korea.















