Binigyang linaw ng Department of Justice na hindi maaapektuhan ang imbestigasyon ukol sa flood control projects anomaly matapos ibasura ng prosekusyon ang ilang ‘tax cases’ laban kina Sarah at Curlee Discaya.
Ayon mismo kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, ang isyu sa kanilang pananagutan sa usaping buwis ay walang kinalaman sa nakabinbin pang mga flood control cases na kinakaharap.
Pagtitiyak ng kagawaran na tuloy-tuloy pa rin ang imbestigasyon lalo sa maanomalyang mga proyekto may kinalaman sa kontrobersyal na flood control.
Kung maalala ibinahagi kamakailan ng tagapag-salita na na ibinasura ng prosekusyon ang 3 excise tax cases laban sa mga Discaya.
Kanyang sinabi na ang pagkakabasura ay bunsod nang matukoy ng prosekusyon na hindi naman ‘importer’ ang naturang mag-asawa.
Sa ilalim raw kasi ng batas, walang pananagutan ang mga ito sapagkat ang ‘excise tax’ ay responsibilidad ng importer.
Kung kaya’t lusot aniya ang mga mag-asawa patungkol sa partikular na mga reklamong may kinalaman sa pagmamay-aring mga luxury cars.
Sa kabila nito, nakatakdang ihain at isampa naman ng kagawaran sa Court of Tax Appeals ang tatlong ‘tax case’ laban sa mga Discaya.
Batay sa naging resolusyon kasi ng prosekusyon, nakitaan ng ‘prima facie evidence with certainty of conviction’ ang alegasyon sa reklamong kinakaharap.
Partikular na sasampahan sila ng kasong paglabag sa Section 154 at 155 ng National Internal Revenue Code.
















