Inanunsyo ng P-pop boy group na ECHO ang pagpanaw ng kanilang miyembro at main vocalist na si Jaspher Cabangon o mas kilala bilang Sphere kasunod ng inilabas nitong pahayag na pansamantala muna itong magpapahinga kaugnay ng kaniyang pagkakaospital.
Ang nasabing pahayag ay isinapubliko ng kanilang management isang araw bago ang pagpanaw ni Cabangon.
Hindi ipinaalam ng management ng grupo sa publiko ang sanhi ng pagkamatay ng nasabing miyembro. Humingi rin ito ng pag-unawa sa mga fan na respetuhin ang pribasiya at pagluluksa ng pamilya ni Cabangon maging ang mga kapwa miyembro nito.
“At this time, we humbly ask everyone to give his family, loved ones, and the ECHO members the privacy and space they need to grieve,” ani ng kanilang management.
Nagbigay-pugay naman ang grupo kay Cabangon na anila’y lagi itong maaalala sa liwanag at ligayang dala nito sa mga tao sa kaniyang paligid.












