-- Advertisements --

Walang inaasahang pagtaas sa presyo ng ilang tinapay at canned goods hanggang sa Disyembre o pagtatapos ng taon kasabay ng holiday season.

Ito ay matapos na sumang-ayon ang ilang food manufacturers na panatilihin ang kasalukuyang mga presyo hanggang sa pagtatapos ng 2025 alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Trade and Industry (DTI) na huwag payagan ang anumang taas presyo sa basic at prime commodities.

Kabilang dito ang mga gumagawa ng Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal na kasama sa basic goods na may suggested retail price, na nangakong hindi sila magtataas ng presyo sa holiday season.

Subalit sa iba nilang produkto tulad ng cakes at pastries, na hindi parte ng suggested retail price scheme, kailangan aniya nilang magtaas dahil ang mga presyo ng mga sangkap dito tulad ng tsokolate, butter at iba pang raw materials ay tumaas kabilang na ang operating costs.

Nababawi rin aniya ng mga panadero ang kanilang lugi mula sa nasabing mga tinapay mula sa pagbebenta ng mga cake at pastries.

Samantala, pagdating naman sa canned sardines, sinabi ni Canned Sardines Association of the Philippines (CSAP) Executive Director Francisco Buencamino na walang problema sa kanila at sa mga gumagawa ng sardinas at handa silang i-freeze ang presyo hanggang sa pagtatapos ng 2025.

Bagamat, iminungkahi nito na dapat kausapin ng pamahalaan ang mga kompaniya ng langis na magbigay ng diskwento sa mga mangingisdang humuhuli ng mga sardinas sa gitna ng pagtaas ng presyo ng diesel na kanilang kailangan para sa kanilang mga bangkang pangisda.

Sa de latang karne tulad ng baka, meat loaf at beef loaf, susundin ng mga manufacturer ang direktiba ng Pangulo.