-- Advertisements --

Hindi umano lalagda si Senator Panfilo “Ping” Lacson sa ratipikasyon ng 2026 budget bill kung isusulong ng bicameral conference committee ang pagpondo sa mga kontrobersiyal na aid programs na binatikos niya bilang bagong mukha ng “pork barrel.”

Kabilang sa binatikos ng Senador ang kontrobersiyal na P51 billion na pondo para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) ng Department of Health (DOH).

Giit ng Senador, dapat na i-realign ang naturang pondo sa Universal Health Care programs gaya ng pagsaklaw sa lahat ng barangay at matiyak ang zero billing.

Ipinunto rin ni Sen. Lacson na ang guarantee letters mula sa mga pulitiko ay magbibigay daan lamang sa patronage politics at hindi ang kinakailangang pangangalaga sa kalusugan ng mga Pilipino lalo na ng mga mahihirap.

Inirekomenda naman ng Senador na maaari pa ring magkaroon ng safeguards sa pamamagitan ng special provisions habang nagpapatuloy ang bicam deliberations partikular na upang mapigilang makontrol ang mga tulong pinansiyal na ito nang walang kaukulang assessment.

Isa pa sa item na tinukoy ng Senador na nakakumbinsi sa kaniya na huwag lumagda sa ratipikasyon ng budget ang farm-to-market roads project ng Department of Agriculture, kung saan doble mula sa hinihingi ng Pangulo ang alokasyon ng bicam na nasa P33 billion.

Sa ngayon, patuloy ang pag-reconcile ng bicam sa pinal na mga probisyon ng 2026 budget bill. Sa oras na maisapinal na, ibabalik ito sa Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso para sa ratipikasyon.