Umapela si Supreme Court Senior Associate Justice Marvic Leonen sa mga hukom at mga abogado na labanan ang katiwalian sa judicial system.
Binigyang-diin ng mahistrado ang kahalagahan ng tungkulin ng mga nasa hudikatura na gamitin ang kapangyarihan para sa interes ng taumbayan at hindi sa pansariling kapakinabangan.
Aniya, kailangang isulong lagi ang tama at punahin ang makikitang katiwalian.
Kinilala rin ni Leonen ang inilunsad ng Korte Suprema na email platform na integrity@judiciary.gov.ph bilang mahalagang sistema para malikom ang mga sumbong ukol sa katiwalian ng mga hukom at mga kawani ng hudikatura.
Ang lahat ng sumbong aniya ay rerepasuhin at pag-aaralan ng SC Ethics Committee para sa imbestigasyon at posibleng pagsasakdal.
Paliwanag ni Jusctice Leonen, ang naturang mekanismo ay bahagi ng ipinapatupad na Strategic Plan for Judicial Innovations 2022–2027.
Layunin nitong mapalawak ang access ng publiko sa hustisya sa pamamagitan ng Unified Legal Aid Service (ULAS), kung saan maaaring makakuha ng libreng tulong legal ang mga kwalipikadong benepisyaryo habang nabibigyan din ang mga Pilipino ng pagkakataong makapagbigay ng feedback ukol sa kanilang karanasan.
















