Tiniyak ng Malacañang na kontrolado ng administrasyong Marcos ang sitwasyon sa bansa sa gitna ng nararamdamang epekto ng tensyon sa Middle East, partikular na ang patuloy na oil price shocks.
Ito ang naging tugon ng Palasyo matapos manawagan si House Deputy Speaker Raymond Democrito Mendoza kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na magdeklara ng state of national emergency upang pansamantalang hawakan ng pamahalaan ang oil industry at makontrol ang presyo ng petrolyo.
Sa isang press briefing , nilinaw ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na hindi nasa ganitong krisis ang bansa. Pakiusap ng opisyal, iwasan ang pagpapalaganap ng takot sa publiko.
Upang maibsan ang epekto ng krisis, inilatag ni Pangulong Marcos ang mga direktang hakbang ng pamahalaan.
Ayon sa punong ehekutibo, magbibigay ng fuel subsidies ang Department of Agriculture (DA) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa mga magsasaka at mangingisda.
Inaasahan din ang pagbabawas ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa passenger service charges, landing fees, parking fees, at iba pang bayarin sa mga paliparan.
Nauna nang pinangunahan ng Pangulo ang pamamahagi ng P5,000 cash assistance para sa mga tsuper ng mga public utility vehicles na labis na apektado ng serye ng pagtaas ng presyo ng langis.
















