Sinita at ipinasara ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga dispensing pump ng 25 sa 65 na gasolinahan sa Luzon matapos bumagsak sa isinagawang fuel marking testing sa unang tatlong araw ng kanilang malawakang operasyon.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, layunin ng hakbang na ito na matukoy ang mga pagtagas sa koleksyon ng buwis at maprotektahan ang mga tapat na negosyo laban sa hindi patas na kompetisyon sa sektor ng petrolyo.
Nagsimula ang naturang operasyon noong Agosto 17, 2026, sa pakikipagtulungan ng Bureau of Customs (BOC) at ng awtorisadong service provider na nagsasagawa ng pagsusuri sa mga sample ng gasolina, krudo, at gaas.
Isinailalim sa imbentaryo at selyo ang mga apektadong produkto habang hinihintay ang pinal na resulta ng confirmatory testing alinsunod sa umiiral na mga panuntunan.
Kapag napatunayang hindi sumunod sa batas, papatawan ng kawanihan ang mga lumabag na establisimyento ng kaukulang buwis, multa, at iba pang legal na aksyon.
Ipinahayag din ng ahensya na hindi ito isang beses lamang na aktibidad at plano nilang palawigin pa ang naturang kampanya sa iba pang mga rehiyon sa buong bansa.
















