-- Advertisements --

Tiniyak ng Malacañang na hindi kailanman uurong ang administrasyong Marcos sa pagtatanggol ng teritoryo ng bansa sa gitna ng patuloy na agresibong aksyon ng China sa West Philippine Sea.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO at Palace Press Officer Usec  Claire Castro, malinaw ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na “hindi isusuko ng Pilipinas kahit isang pulgada ng ating teritoryo.

Dagdag pa ng opisyal, inatasan ng Pangulo ang Department of National Defense (DND) na palakasin at palawigin ang kakayahan ng sandatahang lakas upang mabilis na maipagtanggol ang bansa laban sa iba’t ibang uri ng banta.

Ayon kay Defense Secretary Gilbert Teodoro, layunin ng gobyerno na baguhin ang defense system ng Pilipinas tungo sa isang multi-threat, multi-domain ecosystem upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng bansa.

Pinalalakas din ng administrasyon ang ugnayan nito sa mga bansang may kaparehong pagpapahalaga at layunin upang mapanatili ang kapayapaan, katatagan, at respeto sa soberanya sa rehiyon.

Sa kabila ng mga hamon, nanindigan ang Malacañang na mananatiling matatag at handa ang Pilipinas sa pagprotekta sa karapatan at teritoryo nito sa West Philippine Sea.