Nagasagawa ng ilang serye ng bilateral bomber air patrol at live drop exercise ang Philippine Air Force (PAF) kasama ang Pacific Air Forces (PACAF) mula Pebrero 2 hanggang 6 sa iba’t ibang lokasyon sa Luzon.
Partikular na sa Colonel Ernesto Rabina Air Base (CERAB), Tarlac City, at sa may West Philippine Sea sa pamamagitan ng Luzon Strait.
Nakasuporta rin sa naturang pagsasanay ang Special Operations Command Pacific (SOCPAC) at U.S. Marine Corps Forces, Pacific (MARFORPAC).
Sa isang statement, sinabi ni PAF spokesperson Col. Ma. Christina Basco na ipinamalas sa naturang bilateral exercise ang mga serye ng coordinated air activities na naglalayong palakasin pa ang kooperasyon at interoperability sa pagitan ng pwersa ng Amerika at Pilipinas.
Noong Pebrero 4, isinagawa ang isang air defense scenario sa WPS na nakapokus sa airspace coordination, command-and-control integration at joint operational response.
Kahapon naman, nagtapos ang joint bomber air patrol sa WPS at Luzon Strait. Nagpapakita aniya ito ng magkasamang mission planning, airspace coordination at operation readiness sa mga pwersa ng Amerika at Pilipinas.
















