Nilawakan pa ng PH government ang conservation measures para sa Philippine Eagle, ang kinikilalang pambansang ibon ng Pilipinas.
Sa ilalim ng bagong programa, lumawak pa ang mga proyektong makakatulong para mapalakas ang proteksyon sa PH eagle at mapataas ang bilang o populasyon ng mga ito sa mga kagubatan ng bansa.
Maliban sa proteksyong saklaw sa Philippine Eagle Center (PEC), ililipat na rin ang atensyon sa mga kagubatan, ancestral domain, at biodiversity corridor sa Silangang Mindanao.
Sa ilalim nito, inilunsad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine Eagle Foundation (PEF), Department of Tourism (DOT), at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), ang bagong programa para sa mas malawak na proteksyon sa mga nalalabing Agila sa bansa.
Ayon kay PEF Director for Operations Jason Ibanes, tinatayang nasa 392 pares na lamang ng Philippine Eagle ang natitira sa buong Luzon, Visayas, at Mindanao. Bagama’t ang Mindanao pa rin ang pangunahing tirahan ng mga ito, patuloy silang nanganganib dahil sa pagkasira ng kagubatan at mga aksidenteng pagpatay o pagkakahuli sa bitag ng mga nakababata pang agila.
Target ng DENR at PEF na magsasagawa ng limang taong pagpaplano upang bumuo ng mga programa sa eco-cultural tourism, natural parks, conservation academy, at malawakang education campaign.
Kasama rito ang pagkuha sa tulong ng mga katutubo at pag-integrate ng kaalaman sa pamamahala ng kapaligiran sa actual na conservation efforts.
Binigyang-diin naman ni DENR Secretary Juan Miguel Cuna ang kahalagahan ng mabilis na pag-aksyon upang mailigtas ang pambansang ibon mula sa tuluyang pagkalipol o pagkaubos.
















