-- Advertisements --

Bagama’t unti-unti nang bumabalik sa normal ang pamumuhay ng marami sa Luzon matapos sumikat ang araw, puspusan pa rin ang paghahanda ng pamahalaan sa posibleng muling paglakas ng habagat ngayong linggo.

Kaugnay nito, muling nanawagan si Senador Bong Go sa mga lokal na lider at pamahalaan na patuloy na gampanan ang kanilang tungkulin at manguna sa agarang pagresponde sa mga pangangailangan ng mga kababayang apektado ng sakuna.

Sa kanyang pagbisita sa mga biktima ng baha at sunog sa iba’t ibang panig ng bansa, binigyang-diin ng senador na dapat ay “rain or shine” ang pagtulong at paghahatid ng serbisyo dahil walang pinipiling panahon ang pagdating ng kalamidad.

Kasabay nito, hinimok din ng mambabatas ang kanyang mga kasamahan sa Senado na bigyang-prayoridad ang mga panukalang batas na nakabinbin sa Kongreso na layong magbigay ng dagdag na insentibo sa mga rescue responder at agarang ayuda para sa mga biktima ng krisis.