-- Advertisements --

Nagmobilisa na ng mga emergency response team at boluntaryo ang Philippine Red Cross (PRC) upang magpaabot ng saklolo sa mga pamilyang apektado ng patuloy na pag-ulan dulot ng habagat sa iba’t ibang bahagi ng Luzon at National Capital Region (NCR).

Hanggang noong August 11, 2026, nakapagbigay na ng tulong ang PRC sa 113 indibidwal at na-rescue ang 32 katao, habang nagtayo naman ng 42 first aid station at nagdeploy ng pitong ambulansya para sa mga nangangailangan ng gamot at paunang lunas.

Bukod sa tulong-medikal at rescue operations, nakapamahagi na rin ang organisasyon ng higit 5,000 hot meals, libo-libong pakete ng tinapay, at malinis na tubig, habang naglagay rin ng Child-Friendly Spaces at nagbigay ng hygiene kits sa mga evacuation center.

Tiniyak ni PRC Chairman at CEO Richard Gordon na nakahanda ang kanilang humigit-kumulang 573 kawani at boluntaryo na magpaabot ng tulong saanman ito kailanganin habang binabantayan ang sitwasyon.

Kasabay nito, pinalalahanan ng PRC ang publiko na manatiling alerto, sumunod sa mga payo ng lokal na pamahalaan, at agad na lumikas kapag ipinag-utos ng mga awtoridad.