-- Advertisements --

Isang TikTok user ang umapela sa Bureau of Internal Revenue (BIR) matapos umano siyang bastusin ng isang empleyado sa Revenue District Office sa Novaliches.

Ayon sa netizen, personal siyang nagtungo sa opisina upang ayusin sana ang kanyang Taxpayer Identification Number (TIN) matapos magkaroon ng issue sa online application.

Ngunit nang magtanong aniya siya tungkol sa proseso, tila nairita umano ang empleyado at naging bastos sa pakikitungo, dahilan upang siya ay maiyak.

“Nangangailangan ng tulong ‘yung tao. Pare-pareho tayong tao dito,” saad ng TikTok user habang umiiyak sa video.

Sa sumunod na video, ipinaliwanag pa niya na buong usapan ay sa Ingles isinagawa ng empleyado, na para bang ipinaparamdam umano sa kanya na dapat niyang agad maintindihan ang lahat.

“Sobrang impatient niya, ‘yung sarcasm, ‘yung parang magmumukha ka talagang bobo,” aniya.

Nang kumprontahin niya umano ang empleyado, nauwi raw ito sa pagtataas ng boses at pagtatalo.

“Ayun, tumaas talaga ‘yung boses niya. Pagkakaalala ko, sabi niya, wala daw akong karapatan para sabihin ‘yun sa kanya,” kwento pa niya.

Nanawagan ang TikTok user sa BIR na tugunan ang ganitong uri ng kultura sa mga tanggapan ng gobyerno, na aniya ay matagal nang reklamo ng mga mamamayan.

“Sana matigil na ‘to… kasi imposibleng ako lang ang nakakaranas nito,” dagdag niya.