-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Tourism (DOT) na nananatiling ligtas at bukas sa mga turista ang Cebu matapos ang tumamang magnitude 6.9 na lindol noong Setyembre.

Ayon sa DOT, fully operational pa rin ang mga pangunahing paliparan at pantalan sa Metro Cebu, kabilang ang Mactan-Cebu International Airport, Cebu Baseport, at mga pantalan sa Santa Fe, Maya, at Kawit.

Wala ring pinsalang naiulat sa mga pangunahing hotel habang ang mga nagkaroon ng bahagyang sira ay bumalik na sa normal na operasyon matapos makumpirmang ligtas.

Gayundin, siniguro ng ahensiya na ligtas para sa diving at island tours ang mga destinasyong tulad ng Malapascua at Gato Island, base sa isinagawang marine assessments ng lokal na pamahalaan at mga accredited dive operator.

Dagdag ng DOT, business as usual ang turismo sa buong Cebu at Central Visayas, dahil nainspeksyon na at idineklarang ligtas ang mga pampublikong lugar at pasyalan.

Ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco, ipagpapatuloy ng DOT ang lahat ng nakatakdang aktibidad sa Cebu upang buhayin ang turismo at matulungan ang 2,062 tourism workers na naapektuhan ng lindol, na nakatanggap na ng food aid at nakatakdang tumanggap ng cash assistance at livelihood training.