Tinalakay ng House Committee on Justice ang “sufficiency in grounds” o kung may sapat na batayan ang dalawang reklamong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa pagpapatuloy ng deliberasyon sa impeachment complaints ngayong Huwebes, Marso 18, binigyang diin ni Justice Committee chair at Batangas Representative Gerville Luistro na hindi pa ito paglilitis o para tukuyin kung guilty o inosente ang impeachable official kundi para busisiin kung may sapat na batayan ang mga reklamo para ituloy ang proseso ng impeachment.
Kung matatandaan, apat na impeachment complaint ang orihinal na inihain laban sa Pangalawang Pangulo, subalit ang una ay naisantabi dahil sa paglabag sa one-year bar rule habang ang ikalawa naman ay iniatras ng mga complainant para mapagtibay ang suporta sa ikatlong reklamong impeachment.
Kamakailan, ang ikatlo at ikaapat na impeachment complaint o ang Zaballa et al complaint at Cabrera complaint ay idineklarang may sapat na porma at nilalaman.
Ayon kay Rep. Luistro, parehong pinagusapang mabuti ang impeachment complaints, matinding pinagdebatehan at sinuri sa bawat anggulo.
















