Nilalayon ng Israel at Pilipinas na palawakin pa ang kanilang partnership, kabilang ang posibilidad ng isang Free Trade Agreement (FTA), direktang biyahe sa pagitan ng dalawang bansa, at kasunduan sa cybersecurity, ayon kay Israel Ambassador to Manila Dana Kursh.
Binigyang-diin ni Kursh ang kahalagahan ng Pilipinas para sa Israel, na makikita sa mga kamakailang pagbisita ng mga ministro ng Israel sa larangan ng ugnayang panlabas, ekonomiya, at turismo.
Isa sa mga tinutukan ni Kursh ay ang posibleng kasunduan sa malayang kalakalan (FTA) sa pagitan ng dalawang bansa, na nagsimula nang talakayin noong Hulyo.
Isa rin sa mga pangunahing layunin ng dalawang panig ang pagkakaroon ng direktang biyahe sa pagitan ng Israel at Pilipinas, bilang hakbang para mapalakas ang turismo.
Gayunman, binanggit ni Kursh na isa sa mga hadlang ngayon ay ang Travel Alert Level 2 ng Pilipinas sa Israel, na nagbabala laban sa mga hindi mahalagang paglalakbay gaya ng turismo, pilgrimage, at volunteer work.
Tinatayang nasa 30,000 hanggang 40,000 turista ang nagpapalitan sa dalawang bansa kada taon, ngunit ayon kay Kursh, “napakalaki pa ng potensyal” ng turismo at kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at Israel. (REPORT BY BOMBO JAI)
















