-- Advertisements --

Binatikos ni Vice President Sara Duterte ang aniya’y sunod-sunod na kabiguan ng kasalukuyang administrasyon kasabay ng kanyang pormal na deklarasyon ng pagtakbo bilang Pangulo sa 2028 elections.

Sa kanyang pahayag ngayong Miyerkules, inisa-isa ng Bise Presidente ang mga dahilan ng kanyang pagtakbo, kabilang ang hindi mapigilang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kakulangan sa kita ng mga pamilya, at ang lumalalang sitwasyon ng healthcare sa bansa.

Kasabay nito, humingi ng paumanhin si Duterte sa publiko dahil sa kanyang naging papel sa pagsuporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakaraang halalan, na ayon sa kanya ay nabigong tugunan ang pangangailangan ng taumbayan.

Binigyang diin ng bise na kailangang maibalik ang Tapang at Malasakit para sa Diyos, sa Bayan at para sa bawat Pamilyang Pilipino.

Bukod sa ekonomiya, pinuna rin nito ang talamak na korapsyon na nagpapalala sa mga pagbaha, mga nakatiwangwang na pampublikong proyekto, at ang paggamit ng gobyerno sa mga institusyon para sa personal political gain.

Nagbabala rin si Duterte sa muling paglala ng kriminalidad, illegal drugs, at terorismo, sabay giit na kailangang magkaroon ng tunay na independent foreign policy.

Samantala, inilarawan rin ni Duterte na ang kanyang buhay ay hindi lamang para sa sarili kundi nakalaan para sa serbisyo-publiko.

Binalikan din nito ang kanyang naging pagtanggap sa responsibilidad na aniya’y hinubog ng tungkulin sa pamilya at sa bayan, habang sumipi sa Bible verse na Proverbs 19:21 ukol sa plano ng Diyos.