Tiwala ang Philippine Economic Zone Authority (PEZA) na maaabot nito ang target na hanggang 30 na bagong economic zones o ecozones bago matapos ang taon.
Ayon kay PEZA Director General Tereso Panga, inaasahan pa ng ahensya ang presidential proclamation para sa 14 pang ecozones sa nalalabing mga buwan ng 2025.
Isa sa mga proyekto ang Palawan Mega Ecozone, na isasagawa sa pakikipagtulungan sa Bureau of Corrections (BuCor) sa loob ng Iwahig Prison and Penal Farm. May kabuuang 28,000 ektarya ang inilaan para rito, kung saan 4,000 ektarya ang na-turn over na sa PEZA. Target ang groundbreaking sa susunod na buwan.
Plano din ng PEZA na isagawa ito sa ilalim ng public-private partnership (PPP) kung saan lupa ang magiging ambag ng gobyerno at mga pribadong developer naman ang magtatayo ng mga pasilidad.
Labindalawang lungsod at munisipalidad din sa bansa ang nagsumite ng panukala para sa pagtatayo ng kani-kanilang ecozones, bilang hakbang sa pagpapalakas ng kalakalan at paglikha ng trabaho.
Batay sa Philippine Development Plan, inatasan ang PEZA na pabilisin ang pagpapatupad ng ecozone transformation roadmap na layong palawakin ang mga uri ng economic zones, kabilang ang agroforestry, defense, at halal zones.













