-- Advertisements --

Mas paiigtingin pa ng Philippine National Police (PNP) ang pagsasagawa ng pagpapatrolya sa mga lugar at establisyimentong maiiwanan sa mga araw na walang mga pasok at sa mismong araw ng Undas.

Ayon kay Acting PNP Chief PLtGen. Jose Melencio Narataez Jr., inatasan na niya ang lahat ng yunit ng Pambansang Pulisya na mas palakasin p ang patrolya at pagiikot sa mga residential areas lalo na sa mga komunidad na inaasahang magiging bahagyang bakante sa mga susunod na araw.

Layon nito na tiyakin na magiging ligtas at mapipigilan agad ang kahit anumang mga insidente ng pagnanakaw o panloloob sa ganitong mga panahon.

Kasunod nito ay nagpaalala rin ang PNP sa publiko na maging mapagmatyag at mag-doble ingat sa ganitong mga sitwasyon lalo na kung maiiwanang walang mga bantay ang kanilang mga tahanan.

Maliban dito ay mahigpit na ring nakikipagugnayan ang pulisya sa lokal na komunidad upang maging katuwang nito sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa kanilang mga nasasakupang bayan.

Samantala, maliban na sa mga komunidad, mahigpit din ang pagbabantayng PNP sa mga pantalan, terminal at ilan pang inaasahang dadayuhin ng matataong lugar bilang pagpapaigting ng seguridad ilang araw bago ang Undas.