-- Advertisements --

Nagpasalamat ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kay Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III sa donasyong mahigit P16 million mula sa event na “Boxing for a Cause: Laban sa Nasalanta” na ginanap sa Rizal Memorial Coliseum sa Maynila.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary at tagapagsalita na si Irene Dumlao, ang malaking halaga ay makatutulong umano sa milyun-milyong pamilyang naapektuhan ng habagat at iba pang kalamidad.

Nabatid na ang boxing match, na inorganisa ng PNP at napanalunan ni Gen. Torre sa pamamagitan ng default win, ay nakalikom ng mahigit P300,000 mula sa entrance fees at karagdagang P16 million mula sa mga donasyon.

Ang kabuuang halaga ay nakatakdang i-turnover sa DSWD ngayong linggo.

Samantala, umabot na sa P293 million ang kabuuang ayudang naipamahagi ng DSWD sa mga apektadong indibidwal at pamilya hanggang noong Hulyo 26, 2025.