Bahagyang isinisi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang krisis sa baha sa National Capital Region (NCR) sa hindi maayos na pagtatapon ng mga basura.
Nitong nagdaang mga araw kasi, maraming mga lugar ang matinding nalubog sa baha bunsod ng patuloy at mabibigat na pag-ulan dala ng bagyong Crising at pinaigting na habagat.
Ayon kay MMDA chair Romando Artes, nakita sa isinagawang declogging operations ang malalaking bagay gaya ng mga sofa at refrigerator na nakabara sa mga drainage at pumps.
Bagamat isang malaking factor ang mga basura, binanggit din ng opisyal na isa sa naging problema ang luma ng drainage system na 50 taon na ang tanda, saka nababaraduhan pa ng mga basura dahilan kayat pahirapang humupa ang baha.
Kaugnay nito, iginiit ni Artes na dapat maging disiplinado at responsable ang publiko sa pagtatapon ng kanilang mga basura.
Binigyang diin pa ng opisyal na may mga garbage truck na naghahakot ng mga basura subalit may ilan aniyang nananatiling matigas ang ulo.
Samantala, sa ilang pagkakataon, may ilan na isinisi ang krisis sa baha sa rehiyon sa mabagal na implementasyon ng flood control projects.
Subalit, nauna ng ipinaliwanag noon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ilan sa dahilan ng pagkaantala ng proyekto ay ang right of way at nakabinbing local government permit.