-- Advertisements --

Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa panganib ng leptospirosis habang nagpapatuloy ang malawakang pagbaha bunsod ng walang patid na ulan mula sa southwest monsoon o habagat.

Babala ng DOH, huwag maglaro at iwasang lumusong sa baha dahil mapanganib ang mga mikrobyo mula sa mga basura at dumi na maaaring magdulot ng leptospirosis.

Ipinaliwanag ng kagawaran na ang leptospirosis ay impeksyong dulot ng leptospira bacteria na pumapasok sa katawan sa pamamagitan ng sugat o mucous membranes at maaaring magdulot ng pinsala sa atay, bato, at puso.

Dagdag ng DOH, kung sakaling malulubog sa baha, agad na maghugas ng katawan gamit ang sabon at tubig. Kumonsulta agad sa doktor kung may sugat o kung makararanas ng sintomas gaya ng lagnat at pananakit ng katawan.

Samantala, sinabi ng state weather bureau na may mababang pressure na namuo sa silangan ng Luzon na patuloy na nagpapalakas sa habagat at nagdadala ng malawakang pag-ulan sa bansa. Hindi inaasahang magiging bagyo ang weather disturbance sa loob ng 24 oras. (report by Bombo Jai)