-- Advertisements --

Nagkaroon ng kakaibang twist sa inaabangang boxing showdown sa pagitan ni Philippine National Police Chief P/Gen. Nicolas Torre III at acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte matapos hindi sumipot ang alkalde sa laban.

Dahil dito, idineklarang panalo by default si General Torre.

Pero una nang sinabi ni Duterte na hindi siya available ng Linggo dahil mayroon siyang mga prior commitment.

Inabangan sana ang laban bilang bahagi ng civic exhibition events na may layuning ipakita ang sportsmanship ng mga public figures at ipamahagi naman ang mga nalikom na tulong mula sa ticket sales.

Ayon sa organizers, may sapat na oras at abiso kay Duterte upang dumalo, ngunit ito ay nasa Singapore, kasama ng kaniyang pamilya.

Marami ang nanghinayang sa posibilidad na makitang magkaharap ang dalawang personalidad sa ring.

Si General Torre ay dating atleta at kilala sa kanyang aktibong lifestyle kahit bilang opisyal ng PNP.

Matapos ang hindi natuloy na laban, namahagi ng tulong si Torre sa mga taga Baseco Compound na nasalanta ng bagyo at habagat.

Bitbit niya ang relief items tulad ng bigas, canned goods, tubig, gamot, at hygiene kits para sa mga residente.

Ang Baseco ay kabilang sa mga pinaka-naapektuhan ng sunud-sunod na bagyo sa nakalipas na linggo.

Kasama sa relief operation ang mga tauhan ng PNP Community Affairs and Development Group (CADG).

Nagpasalamat naman ang mga residente sa mabilis na aksyon ng PNP kahit walang kinalaman sa laban.

Ayon kay Torre, mas mahalaga ang makatulong, kaysa magpakasikat sa ring.

Ang hindi pagsipot ni Duterte ay naging laman ng mga diskusyon, at marami ang nagbigay ng kanya-kanyang opinyon.

Nabatid na hindi ito ang unang pagkakataon na sangkot si Torre sa mga non-combat civic events; aktibo siya sa fun runs at outreach missions.