Baguio city penagbenga

BAGUIO CITY – Bumaba pa ang naitalang pinakamababang temperatura sa Baguio City at sa ilang bayan ng Benguet kaninang madaling araw.

Ayon sa PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration)-Baguio weather specialist na si Efren Dalipog, naitala ang 10.6°C na lowest temperature sa Baguio City.

-- Advertisement --

Mas mababa aniya ito sa 11.2°C na naitala kahapon lamang.

Sinabi ni Dalipog na resulta ito ng hanging amihan o malakas na hangin na nanggagaling sa Siberia na inaasahang magtatagal hanggang ngayong “love month.”

Gayunman, 2-3°C na mas mababa ang naitatalang temperatura sa ilang lugar sa mga bayan ng Benguet gaya ng Mount Santo Tomas sa Tuba, Barangay Madaymen sa Kibungan, sa summit ng Mount Pulag sa Kabayan at sa Barangay Paoay sa Atok.

Sa tala naman ng PAGASA, nai-record ang pinakamababang temperatura sa Baguio City na 6.3°C noong January 18, 1961; na sinundan ng 6.7°C noong February 23, 1963; at 6.8°C noong January 8, 1968.