Desidiso na ang pamilya ni Ivan Cezar Ronquillo, 24, na maghain ng reklamong legal matapos wakasan ng binata ang sariling buhay dahil sa naranasang physical abuse at online bashing kaugnay ng paratang sinaktan nito ang kanyang kasintahang freelance model na si Gina Lima, 23, na pumanaw noong Nobyembre 16, 2025.
Ayon sa pamilya ni Ivan nakikipag-tulungan na sila kay dating Comelec Commissioner Atty. Rowena Guanzon na isa sa mga kumuwesyon sa pag-kamatay ng modelo.
Handa umanong tumulong si Guanzon ng libre sa paghahanap ng hustisya para sa magkasunod na pagkamatay nina Ivan at Gina. Pinaplano ng pamilya na magsampa ng kaso laban sa mga content creator at netizens na nagpakalat ng pekeng balita na nagdulot ng depresyon kay Ivan.
Kaugnay nito sa Martes, Nobyembre 25, ilalagak na sa Eternal Gardens Memorial Park, Caloocan City, ang mga labi ni Ivan sa ganap na alas-2 ng hapon.
Samantala, nakatakda rin ang paglilibing sa labi ni Gina sa Bayugan City, Agusan del Sur, matapos ang ginanap na lamay sa St. John’s Chapel sa Quezon City at pansamantalang burol sa Mata Funeral Home.
Unang sinabi ng Quezon City Police, cardiorespiratory distress ang sanhi ng pag-panaw ni Gina, at natuklasan rin na may tubig sa baga ng dalaga.
Nilinaw naman ng dating handler ni Gina, na si John Navarro, na walang proyekto ang modela sa agency nito at hindi siya bumalik sa kontrata dahil ayaw niyang magpaseksi, bagamat positibo ang pananaw sa kanyang potensyal bilang artista.
















