ILOILO CITY – Nakipag-areglo na ang pamilya ng menor de edad na tinangkang dukutin ng isang taxi driver sa lungsod ng Iloilo.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Major Marlon Valencia, hepe ng Mandurriao Police Station, sinabi nito na nakapagdesisyon na ang pamilya ng 16-anyos na dalagita na hindi na magsasampa ng kaso laban sa taxi driver.

Ayon kay Valencia, ayaw na ng pamilya ng biktima na lumaki pa ang isyu kung kaya’t hindi na nila itutuloy ang kaso.

Hindi naman idinetalye ng hepe kung anong klaseng pag-areglo ang nangyari sa pagitan ng pamilya at ng taxi operator.

Napag-alaman na galing sa isang mall sa Mandurriao, Iloilo City ang biktima na si alyas Nene at papauwi na sana sa Brgy. Sambag sa distrito ng Jaro ngunit dinala ito ng taxi driver sa isang drive-in hotel.