-- Advertisements --

Binigyang linaw ng Department of Justice na posible pa ring maituloy ang ‘conviction’ sa mga suspek kaugnay sa kaso ng missing sabungeros miski walang matagpuang labi ng mga biktima.

Ayon mismo kay Justice Assistant Secretary at Spokesperson Atty. Mico Clavano, ito’y maaring mangyari sapagkat naayon naman aniya ito sa batas.

Ito’y sa kabila ng pagsasagawa ng ‘initial diving operation’ ng Department of Justice katuwang ang Philippine National Police – Crime Investigation and Detection Group o PNP-CIDG at Philippine Coast Guard.

Paliwanag pa ng naturang tagapagsalita, ang isang indibidwal bilang may sala ay mahahatulan pa rin sa pamamagitan ng ibang paraan na makakapagpapatunay o makapagdidiin sa naganap na krimen.

Aniya’y ang paggamit sa mga larawan at kuhang videos ay maaring gamitin upang pagtibayain at maipakitang totoo ang pagkamatay.

Dagdag pa ni Spokesperson Mico Clavano, ito’y maiuugnay sa prinsipyo ng ‘corpus delicti’ sa murder na tumutukoy sa substance ng mismong krimen.

Ngunit kung mayroon mang labi na mahanap ang mga otoridad, ito’y magsisilbing karagdagang ebidensya sa krimen na lamang.

Matatandaan na kamakailan ay isiniwalat ng testigong si alyas ‘Totoy’ na may pangalang Julie ‘Dondon’ Patidongan ang rebelasyong inilibing umano ang mga nawawalang sabungero sa bahagi ng Taal Lake.

Kaya’t kasunod nito’y ibinahagi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang ground zero sa diving operation na isang fishpond lease na pagmamay-ari ng isa sa mga iniimbestigahang suspek.

Aniya’y hindi mawari sa kung papaano pinatay ang mga biktimang sabungero sa naturang bahagi o lokasyon sapagkat aniya’y ang iba ay itinapon rito kahit na may buhay pa.