Dumalo ngayong araw si dating Negros Oriental Representative Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. sa panibagong arraignment sa Quezon City Regional Trial Court.
Dito niya hinarap ang kasong may kaugnayan sa paglabag ng Section 4(a) of Republic Act. No. 10168 o ang Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012.
Bagama’t bigo nitong ipresenta ang sarili ng aktwal, kinumpirma naman ng kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio ang pagdalo nito sa pamamagitan ng video conference.
Sa isinagawang pagbasa ng sakdal, iginiit muli ng dating kongresista ang kanyang karapatang manahimik o ‘constitutional right against self-incrimination’.
Buhat nito’y ang mismong Quezon City Regional Trial Court Branch 77 na ang nagpasok ng not guilty plea para kay former Negros Oriental Rep. Teves Jr.
Habang ang pre-trial naman para sa naturang kaso ay itinakda namang ma-skedyul sa susunod na buwan ng Agosto.
Sa kasalukuyan ay nahaharap din ang dating kongresista sa patung-patong na mga kasong may kinalaman sa illegal possession of firearms and explosives at pagpatay o murder.
Siya rin ay patuloy na nagpaparekober matapos maoperahan kamakailan dahil sa malubhang pananakit ng tyan.