-- Advertisements --

Lumantad sa pagdinig ng Senado ang pamilya ng isang 16-anyos na biktima ng online gambling upang isalaysay kung paano naapektuhan at nauwi sa pagkasawi ang kanilang kaanak dahil sa sugal.

Sa testimonya ni Arsenia Concha sa pagdinig ng Senate Committee on Games and Amusement, nagbigti ang kanilang anak dahil sa pagkakalulong sa online gambling.

Pinangunahan ni Senador Juan Miguel Zubiri ang pagsasalin sa Tagalog ng testimonya ni Concha dahil aniya kababayan niya ito.

Ayon sa salaysay ni Concha, walang hilig sa pagsusugal ang kanyang anak ngunit naakit ito dahil sa sobrang daling ma-access ang e-gambling.

Nagbigay din ng testimonya si Antonio Concha, pinsan ng biktima. Aniya, noong una ay tinuring lamang ng binatilyo na pampalipas-oras ang e-gambling, pero kalaunan ay nalulong na rin dito.

Dalawang beses umanong nagnakaw ang biktima sa gasolinahang pinapasukan niya.

Sa unang pagkakataon, P16,000 ang kanyang ninakaw na nabayaran ng kanyang ina. Sa ikalawang pagkakataon, umabot sa P42,000 ang ninakaw na hindi na niya nabayaran.