-- Advertisements --

Iniimbestigahan na ngayon ng Angono Police Station ang insidente ng pamamaril sa loob ng ospital sa Rizal Provincial Hospital Angono Annex para matukoy ang motibo sa insidente.

Ayon sa chief of police ng Angono na si Major Richard Corpuz, sila ay nasalisihan umano ng suspek na namaril ng pasyente sa loob ng ospital.

Sinabi ni Corpuz na habang nasa ospital ang biktima na si Vincent Adia, 27, nagpunta ang mga pulis sa Antipolo para sunduin ang pamilya nito.

Kailangan kasing ilipat ng ospital ang biktima.

Pagkaalis ng mga pulis, saka naman nakapasok na ang suspek.

Nalusutan naman nito ang gwardya dahil hindi na ito nakapkapan hanggang makapunta sa emergency room.

Sa ngayon, pinare-review na ng mga pulis ang CCTV footage sa ospital.

Nabatid na si Adia ay pitong taon na nakulong dahil sa kasong robbery at nakalaya lang noong 2019.

Siya ay binaril alas-3:30 ng madaling araw kahapon sa Barangay San Isidro na may nakasabit na karton at may nakasulat na “pusher.”

Tatlong beses binaril ang biktima bago nadala sa ospital para lapatan ng paunang lunas bago tuluyang binawian ng buhay matapos muling barilin.

Sinasabing naka-black shirt ang suspek at agad na tumakas gamit ang motorsiklo matapos maisakaturapan ang krimen.