-- Advertisements --

Tiniyak ng Malacañang na tutugon ang limang matataas na opisyal ng pamahalaan sa reklamong inihain ni Senator Imee Marcos kaugnay sa naging pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, magsusumite ng kanilang mga counter-affidavits sa Office of the Ombudsman ang mga opisyal bilang bahagi ng legal procedure.

Kabilang sa mga inireklamo ni Senator Imee ay sina Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, Philippine National Police Chief Gen. Rommel Marbil, PNP Criminal Investigation and Detection Group Chief Maj. Gen. Nicolas Torre III, at Special Envoy for Transnational Crimes Markus Lacanilao.

Muli namang iginiit ni Castro na ang mga naging hakbang ng mga opisyal ay alinsunod sa batas at isinagawa sa koordinasyon ng Interpol, bilang tugon sa kasong kinakaharap ni Duterte sa International Criminal Court.

“ Alam naman natin po kung ano po ang kapangyarihan ng Ombudsman. Sa napakabilis pong pag-aksiyon ng Ombudsman sa reklamo pong ito ni Senator Imee Marcos, tayo naman po ay tutugon. Ang mga nasabing mga opisyal ay tutugon po at sila po ay magsa-submit ng kanilang mga counter affidavits. At muli sasabihin natin, ang kanilang mga ginawa ay naaayon sa batas. Unang-una po lagi naman pong sinasabi ng Pangulo, ‘sundin ang batas, kung ano ang procedure na valid at legal dapat lamang pong sundin,” pahayag ni USec. Claire Castro.