Itinutulak ni Bureau of Corrections director general Gregorio Pio Catapang Jr. ang paggamit sa mga malalawak na lupain ng ahensiya bilang mga sakahan.
Ito ay upang masuportahan ang kampaniya ng pamahalaan na matatag na food security o sa pagkakaroon ng sapat na supply ng pagkain.
Unang nakipagpulong si General Catapang kay Bureau of Plant Industry (BPI) chief Glen Panganiban upang hilingin ang expertise ng huli ukol sa mga akmang itatanim sa mga malalawak na lupain ng BuCor.
Ayon kay Catapang, napakalaki ng mga bakanteng lote na nasa ilalim ng mga penal farm ng BuCor sa buong bansa.
Nais aniya ng ahensiya na madevelop ang mga bakanteng lupa upang magsilbing sakahan ng mga preso, makapagbigay sa kanila ng dagdag na income at pagkain habang nasa loob ng kulungan, habang magsisilbi rin itong tulong sa kanilang rehabilitation process habang pinagsisilbihan ang kanilang sentensya sa loob ng mga penal farm.
Sa ganitong paraan, tiyak din aniyang matototo ang mga preso ng bagong skills na maaari nilang magamit kapag tuluyang makakalabas sa kulungan at babalik sa kanilang pamilya.
Nais ng BuCor na maging mas produktibo ang mag nakatiwangwang na lupa ng gobiyerno na nasa pangangalaga ng ahensiya, habang ginagamit din ang mga preso bilang pangunahing manpower sa food production.(report by Bombo Jai)