Pinaiimbestigahan ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros sa Senado ang mga water concessionaires dahil sa umano’y hindi kapaki-pakinabang na joint venture agreements ng mga ito sa mga water districts.
Sa Senate resolution 1352 na inihain ni Hontiveros, nanawagan ang senadora sa Senate Committee on Public Services na magsagawa ng imbestigasyon sa mga joint venture agreements sa pagitan ng water districts at mga pribadong kumpanya—na nagreresulta sa kakulangan o palpak na suplay ng tubig.
Ipinunto ni Hontiveros na ilan sa mga kasunduang ito ay nakita ng Commission on Audit (COA) na “disadvantageous” o hindi nakakabuti para sa mga konsyumer.
Kailangan na aniyang silipin ang mga water concessionaires na ito dahil maraming Pilipino ang uhaw na uhaw sa maayos na serbisyo lalo na ngayong tag-init.
Bagamat inihayag aniya ng Malacañang na magkakasa ito ng imbestigasyon sa umano’y pagkukulang ng PrimeWater, iginiit ni Hontiveros na may sapat nang mga natuklasang maaaring pagbasehan ng aksyon mula sa mga audit.
Binigyang-diin din ng senadora na dahil sa kakulangan ng transparency at malinaw na accountability mechanisms sa mga kasunduan, nagiging mahirap para sa publiko na panagutin ang mga pribadong concessionaire, mga board ng water district, local water utilities administration, National Water Resources Board, ang Commission on Audit, at ang Public-Private Partnership Center.
Noong Abril 30, ipinag-utos na rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pag-imbestiga sa PrimeWater kasunod ng maraming reklamo mula sa mga konsyumer hinggil sa umano’y mahinang serbisyo nito.
Nagkasa na rin ng imbestigasyon ang Local Water Utilities Administration (LWUA) hinggil sa umano’y mahinang serbisyo ng PrimeWater na pagmamay-ari ng pamilya Villar.
Karamihan ng operasyon ng PrimeWater ay nasa Batangas, Cavite, Bulacan, Pampanga, Pangasinan, Cabanatuan, Tarlac, Camarines Norte, Subic, at iba pa.
Gayunpaman, sinabi ng PrimeWater na bukas sila para sa isang makabuluhang dayalogo sa LWUA.
Sa inilabas na pahayag ng kompanya, sinabi nitong nakikipag-ugnayan na ito sa LWUA upang resolbahin ang mga isyu.