Nagbunyi ang ilang senador sa naging hatol ng korte na reclusion perpetua o 40 taon na pagkakakulong laban kay dating Bamban Mayor Alice Guo.
Hinataulan ng guilty si Guo ng Pasig Regional Trial Court Branch 167 kaugnay sa kasong qualified trafficking in persons dahil sa operasyon ng ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Bamban.
Iginiit ni Senadora Risa Hontiveros, isa sa mga nanguna sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa POGO, na isa itong tagumpay laban sa korapsyon, human trafficking, cybercrime, at iba pang transnational crimes.
Patuloy aniyang maniningil ang senadora ng pananagutan sa bawat ahensya ng gobyerno na pumapalpak sa kanilang tungkulin.
Nangako si Hontiveros na magpapatuloy ang pagsisiyasat ng kanyang komite sa lawak ng operasyon ng Chinese intelligence sa Pilipinas.
Umaasa naman si Senador Bam Aquino na kung gaano kabilis ang paghatol kay Guo kaugnay ng kaso sa POGO, ay mabilis ding maresolba ang mga isyung bumabalot sa mga maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Aquino, hinahanap ito ng taumbayan — ang mabilis na pagsilbi ng hustisya, kaya naman sana raw mabilis ding mahuli ang mga sangkot sa korapsyon sa bansa.
Para naman kay Senador Win Gatchalian, isa rin sa mga nagsulong upang labanan ang ilegal na POGO sa bansa, ang tagumpay na ito ay lalo pang magpapatibay sa batas ng bansa laban sa POGO.
Umaasa rin si Gatchalian na ang paghatol kay Guo ng reclusion perpetua ay magpapalakas sa kampanya ng ating law enforcement agencies para tuluyang papanagutin ang mga natitirang POGO at iba pang uri ng online scam sa Pilipinas.
Bukod dito, sinabi ng senador na malaking panalo ito para sa mga Pilipino, kabilang ang foreign nationals na nabiktima ng iba’t ibang criminal activities na ginawa ng POGO.
Sa huli, sinabi ni Gatchalian na ang conviction kay Guo ay magsilbing wake-up call sa mga Pilipino at mga dayuhan na nais samantalahin ang burukrasya para magsagawa ng karumal-dumal na gawain tulad ng human trafficking at online scams.
















