-- Advertisements --

Iginiit ni Senador Bam Aquino na hindi palulusutin ng Senado ang overpriced budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa 2026 national budget. 

Hinimok ni Aquino ang DPWH na magsagawa ng sarili nitong kalkulasyon at bumalik dala ang tamang budget gamit ang bagong Construction Materials Price Data (CMPD).

Titiyakin aniya ng hkabang na ito na sasang-ayon ang Senado sa isang budget na maayos na na-compute at maiiwasang maulit ang maanomalyang flood control projects.

Nilinaw rin niya na ang pagbuo ng bagong CMPD ay napagkasunduan matapos ang serye ng mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee at ng Senado kaugnay ng budget ng DPWH.

Upang mabasag ang deadlock, sinabi ni Aquino na dapat ipakita ng DPWH ang aktuwal na presyo ng mga proyekto at kung masisiyahan ang bicameral conference committee, maaari nang maresolba ang isyu.

Pinawi rin ng senador ang pangamba ng ilang mambabatas na maaaring hindi matuloy ang ilang proyekto dahil sa kakulangan ng pondo, sa pagsasabing may sapat na espasyo dahil sa overpricing.