Naghain si Senador Risa Hontiveros at ang Akbayan Party-list ng mga panukala sa Kongreso na naglalayong amyendahan ang Party-List System Act upang pigilan ang umano’y pang-aabuso rito ng mga political dynasty at mga indibidwal na may interes sa government contracts.
Inihain ni Hontiveros ang Senate Bill No. 1656, na nagbabawal sa mga miyembro ng political dynasties na makilahok sa party-list system at naglalayong ipagbawal ang mga party-list nominee at kinatawan na may direktang interes sa mga kontrata ng pamahalaan.
Sa Kamara de Representantes, inihain naman ang katapat na panukala na House Bill No. 7074 nina Akbayan Party-list Representatives Chel Diokno, Perci Cendaña, at Dadah Ismula, kasama si Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao.
Ayon kay Diokno, layon ng mga iminungkahing amyenda na ibalik ang orihinal na layunin ng party-list law at tiyaking ang mga marginalized sectors ang tunay na kinakatawan sa Kongreso.
Kasama rin sa mga panukala ang pagbabawal sa rehistrasyon ng mga party-list group na hango sa mga programa sa telebisyon o radyo, government assistance initiatives, o ipinangalan sa mga opisyal ng gobyerno, celebrity, o iba pang kilalang personalidad. Layunin nitong pigilan ang branding-driven o personality-based na paglahok sa party-list system.
Iminumungkahi rin ng parehong panukala ang pag-alis ng kasalukuyang three-seat cap sa party-list representatives upang makamit ang ganap na proportional representation.
Ang panawagan para sa reporma ay kasunod ng ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na nagsabing 66 porsiyento ng mga party-list group sa 19th Congress ay may isang nominee na may kaugnayan sa political dynasty.
Binanggit din ni Hontiveros ang mga kamakailang imbestigasyon sa Kongreso hinggil sa umano’y anomalya sa mga flood control project, kung saan lumitaw na ilang party-list representatives ang direktang nakinabang sa mga proyekto ng gobyerno bilang mga contractor.
Dagdag pa ng senadora, layon ng mga panukalang ito na isara ang matagal nang butas sa batas at ibalik ang party-list system sa tunay nitong layunin —ang pagpapalakas ng boses ng karaniwang Pilipino.














