Sinimulan ng New NAIA Infra Corporation (NNIC) ang malawakang audit ng mga security bollard sa paligid ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos mabigong harangin ng mga ito ang SUV na sumalpok sa Terminal 1 nitong nakaraang linggo.
Ayon sa NAIA Infra Corporation, layunin ng audit na matukoy kung aling mga bollard ang kailangang palakasin, dagdagan ng pundasyon, o i-upgrade ang estruktura, lalo na sa mga lugar na maraming tao.
Ang mga bollard ay bahagi ng proyektong nagkakahalaga ng P8 milyon na pinondohan at ipinatupad ng Manila International Airport Authority (MIAA) noong 2019.
Iniutos na rin ng Department of Transportation (DOTr) ang imbestigasyon kung substandard ang mga ginamit na bollard.
Ani DOTr Secretary Vince Dizon, simple lang ang tanong: sumunod ba sa international standards ang pagbili at pag-install ng bollards noong 2019?, kaya kung may pagkukulang, may pananagutan.
Ayon kay architect Armando Alli, tila mababaw ang pagkaka-angkla ng nabanggang bollard, kaya hindi nito napigilan ang SUV. Aniya, dapat nakabaon ito nang malalim, lalo na kung ito’y para sa seguridad.
Dagdag pa ni Alli, dapat nasita na ang anumang depekto ng construction manager noong panahon pa lang ng paggawa.
Kasabay ng audit, sinabi ng NAIA Infra Corporation na bumibili na sila ng mga bagong bollard at babaguhin din ang layout ng passenger drop-off sa Terminals 1 at 2—mula diagonal patungong parallel—upang maiwasang muling maharap ang mga sasakyan direkta sa mga pedestrian.
Ang insidente noong Linggo ay nagresulta sa pagkamatay ng isang 4-anyos na batang babae at isang 29-anyos na lalaki. Nahaharap ang driver sa kasong reckless imprudence na may dalawang bilang ng homicide, physical injuries, at damage to property.
Pahayag ngf NAIA Infra Corporation, may mga existing safeguards na, pero aminado silang kailangan pa ng improvement at ginagawa na anila ang mga kinakailangang hakbang.