Tinututukan ng Commission on Audit (COA) ang posibleng political interference sa Ayuda sa Kapos ang Kita (AKAP) Program ng DSWD, na nagdulot ng maling impresyon na ang ayuda ay galing sa mga politiko at hindi sa ahensya.
Ayon sa 2024 audit, may mga political posts, tarpaulins, at speeches sa payout events na nagpakita ng direktang partisipasyon ng mga opisyal. Sa Calabarzon, 249 benepisyaryo ang na-refer ng mga kongresista o party-list groups. Sa Central Visayas, napamahalaan ng kongresista ang payouts, na nagulo ang schedule ng DSWD at nagdulot ng panganib sa seguridad.
Inirekomenda ng COA na higpitan ang protocols ng DSWD, kontrolin ang venues, alisin ang politically-branded materials, at magsagawa ng training at public information campaigns upang malinaw ang pinagmulan ng ayuda.
Iginiit ng DSWD na ang referrals ay hindi garantiya ng benepisyo at walang partisipasyon ang politiko sa release ng pondo, at pinapairal ang monitoring upang maiwasan ang political interference. (report by Bombo Jai)
















