Hinimok ng Office of Public Counsel for Victims (OPCV) ang International Criminal Court (ICC) na itakda na ang confirmation of charges hearing laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte nang walang pagkaantala.
Ito ay kasunod ng unanimous decision ng medical experts panel na ‘fit to stand trial” si dating Pangulong Duterte.
Sa isang confidential filing sa Pre-Trial Chamber I, sinabi ni OPCV Principal Counsel Paolina Massidda na nagpapakita ang joint at individual reports ng medical experts na walang medical condition ang dating Pangulo na makakahadlang sa kaniya para harapin ang pre-trial proceedings.
Binigyang diin din ni Massidda na kwalipikado ang mga biktima para sa expeditious process, gayong nagpasya na ang medical experts na “fit” ang dating Pangulo na harapin ang pag-uusig laban sa kaniya.
Subalit, sa panig ng defense team ni Duterte, mariin nilang tinutulan ang findings at ikinatuwirang bagamat nauunawaan ng dating pangulo ang nature ng criminal process at kayang magpasok ng apela, ang kaniyang short-term memory ay “demonstrably impaired.”
Ayon sa depensa, kahit na marinig ng dating pangulo ang ebidensiya sa korte, madali niya itong makakalimutan at mahihirapang makumpara ito sa ibang ebidensiya kayat katwiran ng depensa, nasisira ang pagiging patas kung hindi kayang depensahan ng suspect ang kaniyang sarili o hindi kayang mabigyan ng instruction ang kaniyang abogado.
Tinukoy din ng depensa ang internal contradictions ng mga eksperto sa ilang punto kabilang na pagdating sa pagiging mahina ng dating Pangulo, pagkawala ng pandinig at hindi maipaliwanag na pangangayayat at pagiging “unreliable historian” sa kaniyang sariling kalusugan at mga sintomas.
Kaugnay nito, hiniling ng depensa sa Pre-trial Chamber na mag-convene ng isang “evidentiary hearing” para klaruhin ang konklusyon ng mga medical expert, methodologies at iba pa, kung saan ang ganitong mga pagdinig aniya ay isang standard practice sa maraming jurisdictions at sa international tribunals.














