BUTUAN CITY – Patuloy na umaasa ang pamilyang Atis-Lauro na ma-iuuwi na sa kanilang tahanan sa Purok 3, Brgy. Rojales, sa bayan ng Carmen, Agusan del Norte ang bangkay ni Marivic Atis Lauro, 44-anyos na namatay matapos ibalik ng kanyang amo sa agency sa Riyadh, Saudi Arabia.
Ayon sa kapatid nitong si Iris sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, sa General Santos City umano ang address sa ID ng kanyang ate dahil matagal-tagal itong nagtrabaho sa nasabing lungsod bago nag-abroad kungsaan sa Maynila ito nag-apply at nakalas nitong Nobyembre ng nakaraang taon.
Dagdag pa ni Iris, kanilang ipinagtataka kung bakit ito pumasa gayong may hika ito.
Kanila na lang nalamang patay na ito nitong Abril a-23, dalawang araw mula sa aktwal na pagkamatay nito base sa nag-viral na video kungsaan tinulungan ang Pinay ng iba pang mga kasamahan sa loob ng Anglo-European Services Agency.
Naka-chat pa umano sa kanya ang kanyang ate na inilipat ito ng kanyang amo sa ina nito kungsaan hinampas umano ito ng isang beses at ibinalik sa agency nitong Abril a-14 dahil sa kanyang ubo hanggang sa nai-post na nga ang nag-viral na video.